Ang Rebolusyonaryong Landas para sa Pagpapalaya ng Palestine
Ituwid natin ang dalawang bagay. Una, ang mga Palestino ay nahaharap sa malupit na pambansang pang-aapi at walang-pinipiling pagpatay ng estado ng Israel—may karapatan silang ipagtanggol ang kanilang sarili, kabilang ang paggamit ng puwersa. Pangalawa, ang kusang pagpatay ng Hamas at mga kaalyado nito sa mga sibilyang Israeli ay isang nakakasuklam na krimen na pawang kontra-produktibo sa pagpapalayang Palestino. Habang ang Gaza ay nahaharap sa pagkadayukdok at pagmamasaker sa kamay ng Israel Defense Forces (IDF), dapat ay tutulan agad ng pandaigdigang kilusang manggagawa ang pagsalakay na ito. Ngunit para sumulong at magtagumpay ang pakikibaka para sa liberasyong Palestino kinakailangan ang landas na ganap ang pagkakaiba sa lahat ng iniaalok, maging Islamismo o sekular na nasyonalismo. Hindi mga walang kabuluhang sentimyentong pakikiramay na mula sa kabal ng mga kaliwang liberal at pekeng sosyalista ang pangangailangan kundi rebolusyonaryong bagtasan para sa pagpapalayang Palestino.
Paano Gagapiin ang Zionistang Estado
Para masukol ang isang kaaway, dapat samantalahin ang mga kahinaan at ma-neutralisa ang mga kalakasan nito. Ang tibay ng estado ng Israel ay nagmumula sa katotohanan na ang milyun-milyong mamamayang Judeong naninirahan sa loob ng mga hangganan nito ay tumitingin rito bilang natatanging paraan para ipagtanggol ang kanilang sarili sa isang mapagtunggaling rehiyon. Habang ito ang kaso, ang mga Israeli ay lalaban hanggang sa kamatayan para ipagtanggol ang Zionistang estado. Ang lahat ng ito’y bahagi ng plano mula noong nagpasya ang imperyalismong British na suportahan ang proyektong Zionista. Sa ngayon, sinisiguro ng U.S. at Israel ang kanilang mga interes sa Gitnang Silangan sa pamamagitan ng paglabag sa mga pambansang karapatan ng sambayanang Palestino at pagtaguyod ng permanenteng estado ng poot sa pagitan ng mga Judeo at Muslim. Ang kumbinasyon ng isang militarisadong populasyon at imperyalistang suporta ang nagbibigay sa estado ng Israel ng lakas at anyo ng walang-pagkatalo.
Gayunpaman, ang istrukturang ito ay marupok at pinapanatili lamang ng isang mentalidad de asedio (siege mentality) na itinataguyod ng naghaharing uri. Ang punto ng kahinaan ay ang katiyakan na ito’y isang militarisadong teokratikong estado na pinamumunuan ng isang busaksak na pangkatin ng mga tiwaling panatiko. Ang mga manggagawang Israeli ay nahaharap sa sapilitang pagpapasundalo, rehimentasyong pangrelihiyon at brutal na kondisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay. Ang pagtutol sa alinman sa mga ito ay binabansagang pagtataksil sa mga Judeo. Ang sitwasyong ito ay lumilikha ng malalim na maka-lahi, panlipunan at pampulitikang bitak sa Israel, na dapat samantalahin para mawasak ang Zionistang estado at mapalaya ang mga Palestino.
Hindi ito nagagawa ng estratehiyang jihad ng Hamas at lumalaro lamang sa lakas ng Israel. Sa kanilang pag-target sa mga sibilyang Israeli, matagumpay lamang nilang inihanay ang lahat ng mga Israeli sa likuran ng kinamumuhiang gobyernong Netanyahu, paggarantiya na ang buong lipunan ay magkakaisa sa likod ng madugong ganting militar laban sa Gaza. Ang kumprontasyong militar sa ilalim ng ganitong mga kundisyon ay magdudulot ng pagkabigo at katakut-takot na kamatayan sa mga mamamayang Palestino.
Walang magiging tagumpay kung hindi lalagutin ang ugnayan sa pagitan ng mga manggagawang Judeo at ng kanilang mga tagapaghari, at hindi ito magagawa kung walang pagkilanlan sa demokratikong karapatan ng mamamamayang Judeong Israeli na mamuhay bilang isang bansa sa Israel/Palestine.
Ang mga Islamista at nasyonalistang Palestino ay laging naiipit sa pagitan ng alinman sa pagtutok ng kanilang pakikihamok sa buong mamamayang Judeo sa Israel o pagtanggap ng pakikipisan sa estadong Zionista. Walang patutunguhan ang parehong landas. Ang susi ay pagkalso ng bitak sa pagitan ng sambayanang Israeli at ng teokratikong estado. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng Marxistang estratehiyang militar at pampulitika, batay sa pag-unawa na ang magkakaugnay na tunggaliang maka-uri’t pambansa ay hindi malulutas sa loob ng hangganan ng pribadong pag-aari. Mula lamang sa punto de partidang ito posibleng ipaliwanag ang isang programang naaayon sa mga interes ng kapwa mga Palestino at ang uring manggagawang Israeli.
Kung isasaalang-alang ang usapin sa lupa: makatarungan ang pagnanais ng mga Palestino ng bayad-pinsala para sa krimeng istoriko na ginawa sa kanila. Sa loob ng umiiral na mga istrukturang panlipunan, imposible itong ipagkasundo sa karapatan ng mga mamamayang Judeo na manatili sa lupa, na kadalasa’y saan sila naninirahan ng maraming henerasyon. Ngunit ang Israel, tulad ng lahat ng kapitalistang lipunan, ay lubhang di-pantay. Karamihan sa mga lupain at ari-arian ay kontrolado ng isang maliit na bahagi ng populasyon habang ang mayorya ay nagkukumahog para mabuhay. Sa pagtutok sa parasitikong saray na ito para sa ekspropriyasyon, posibleng pagsabayin ang panimulang pagbigay hustisya sa mga Palestino at ang pagpapaginhawa sa kalagayan ng mga obrerong Judeo.
Sa antas militar, kinakailangang ituon ang maximum presyur sa IDF upang ilantad sa lipunang Israel na ang panlulupig sa mga Palestino ay may kapalit na di-mababatang halaga. Ang bulag na paglulunsad ng mga rocket sa mga lungsod ng Israel ay nagdaragdag lamang sa pagkukusa ng mga tropa na lumaban. Sa halip, dapat pakilusin ang buong mamamayang Palestino para bakahin ang bawat pulgada ng panghihimasok sa teritoryo at durugin ang pagkubkob sa Gaza at West Bank.
Pero hindi makakamit ang tagumpay sa armadong paglaban lamang: dapat itong samahan ng perspektiba ng maka-uring pakikibaka sa loob ng Israel. Nangangailangan ito ng mga pakikibaka para sa pang-ekonomiyang pagpapalaya ng mga obrero, pag-kontra sa diskriminasyon sa lahi ng mga Arabo at mga Judeong hindi puti at para sa separasyon ng relihiyon at estado. Ang mga ito ay dapat konektado sa pagwasak sa pangunahing balakid na nakabalandra sa daan tungo sa anumang panlipunang pag-unlad: ang pang-aapi ng Israel sa mga Palestino. Ang pangkalahatang tungkulin ng mga rebolusyonaryo sa Israel ay matiyak ang pagtaguyod ng kilusang manggagawa sa layunin ng liberasyong Palestino, sa pakikipagtunggali kontra sa mga Zionistang lider-paggawa.
Napakaimportante, na ang pakikibaka ng uri sa mga lungsod ay dapat ring dalhin sa loob ng hukbong Israeli, na may perspektibang magbitak ito. Ang IDF ay binubuo ng mas nakararaming mga conscript na sapilitang pinagsundalo. Kung ang serbisyong militar ay hindi na itinuturing na mahalaga para sa kaligtasan ng mga Judeo, kung ang gugulin sa pang-aapi sa mga mamamayang Palestino ay magiging sobrang bigat at kung ang tunggalian sa loob ng Israel ay umabot sa punto ng pagsulak, ang hukbong Israeli ay maaaring magkabitak at mabibitak.
Mahigit sa 75 taon ng brutal na kasaysayan ang lubos na nagsalikop sa kapalaran ng mga Judeong Israeli at Palestino. Ang pagpapalaya ng Palestine ay nangangailangan ng pagwasak sa estadong Zionista, na imposible kung hindi mapapalaya ang uring manggagawang Israeli. Kaugnay nito, ang pang-ekonomiya, demokratiko at panlipunang pagsulong ng mga obrerong Israeli, at maging ang kanilang patuloy na pamumuhay sa Gitnang Silangan, ay nakasalalay sa pagwawakas ng pagka-api ng Palestine, na siyang pinakapundasyon ng estadong Zionista.
Paano Gagapiin ang Imperyalismo
Ang Israel ay suportado ng U.S. at ng lahat ng iba pang imperyalistang kapangyarihan, na muling nagpakita ng kanilang walang kundisyong pagsuporta sa pananalakay laban sa Gaza. Kaya, ang pagpapalaya ng mga Palestino ay nangangailangan ng estratehiya para harapin at gapiin ang imperyalismo sa Gitnang Silangan, at sa huling ganap, sa buong daigdig. Ngunit lubos na walang kakayahang gawin ito ng mga nasyonalista, na nananampalataya sa UN at sa “international community” o umaasa sa mga estadong Arabo na kontrahin ang U.S.
Ang UN ay pugad ng mga mandarambong na pinangungunahan ng U.S. at ng mga “dakilang” kapangyarihan, na sila mismo ang responsable sa pag-parte sa Palestine at sa patuloy na pang-aapi nito. Ang konsensus ng mga imperyalista ay saksakang maka-Israel. Kahit na sila ay makipag-areglo para sa isang ceasefire o peace deal, nakakatiyak na sumasalamin ito sa kanilang interes, na panatilihin ang Zionistang estado bilang kanilang outpost sa rehiyon. Mula sa PLO [Palestinian Liberation Organization] hanggang sa kampanyang BDS [Boycott, Divestment, Sanctions], ang anumang estratehiya na umaasa sa mga mandarambong ng daigdig ay magpapatindi lamang sa pang-aapi ng Palestine at hahantong sa pagkabigo.
Sa panig ng mga estadong Muslim, mula Egypt, Jordan at Lebanon hanggang sa Iran, sandaang beses na nilang sinaksak sa likod ang mga Palestino para sa kapakanan ng sarili nilang mga oportunistikong interes. Ang mga sheik, diktador at mullah na naghahari sa mundo ng mga Muslim ay “magtatanggol” sa Palestine sukat na ito’y nakakatulong sa kanilang layuning pang-ekonomiya at militar at napapalakas nito ang kanilang posisyon. Anumang estratehiya na sa kanila’y itatali ang pakikibaka para sa liberasyong Palestino ay siguradong mauuwi sa pagkakanulo.
Ang kinakailangan ay estratehiyang nakasandig hindi sa “international community” ng mga imperyalista at mga rehiyonal na kapitalistang tagapaghari kundi sa pagpapakilos sa pandaigdigang uring manggagawa laban sa lahat ng imperyalista at kapitalistang kapangyarihan. Ang kinakailangan ay ang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka sa buong Gitnang Silangan para patalsikin ang mga imperyalistang U.S. at palayain ang buong rehiyon. Kabilang dito ang mga manggagawang Judeong Israeli na walang interes na patuloy na magpaggamit bilang mga peon ng U.S. Dagdag pa rito, ang mga mandirigma para sa Palestine ay dapat bumuo ng isang prenteng pang-internasyunal kasama ang mga organisasyon ng uring manggagawang Amerikano, British, Pranses at Aleman para mapigil ang pagpapadala ng armas sa Israel. Silang mga manggagawa ang naglululan sa kargamentong ito. At ang kanilang mga pakikibaka ang siyang pinakatiyak na paraan para pahinain ang imperyalismo at isulong ang layunin ng pagpapalayang Palestino.
Pero nakikita natin na ang mga pinaka-maaasahang kaalyadong ito ay siyang iwinawaksi ng mga pan-Islamista at nasyonalista. Sa kanilang pakikipag-alyansa sa mga tagapagharing Arabo, sila’y nakipag-alyado sa mga tagapagsamantala ng masang Arabo. At ang mga manggagawang Amerikano at Europeo, kabilang ang mga manggagawang Judeo, ay hinding-hindi makakabig sa isang pakikibaka na isinasagawa sa lilim ng bandilang Islam at para sa pagkalipol ng lahat ng mga Israeli.
Mga Sosyalistang Taga-alo para sa Hamas
Kasunod ng opensiba ng Hamas laban sa Israel noong Oktubre 7, ang maka-Israeli media ay nagpakawala ng malawakang kampanyang propaganda upang bigyang-katwiran ang madugong pagganting militar ng Israel at pagtakpan ang pang-aapi sa mga Palestino. Upang kontrahin ito, ang mga tinaguriang komunista at sosyalista mula sa Socialist Workers Party sa Britanya hanggang sa Partido Komunista ng Gresya ay nagwalis pailalim ng alpombra sa kriminal na pagpuntirya ng Hamas sa mga sibilyan sa ngalan ng karapatan ng Palestine na ipagtanggol ang sarili.
Hindi lamang kinakaladkad sa putikan ang pangalan ng komunismo sa pag-anib nito sa mga krimen ng Hamas, kundi tinatanggap din nito na ang mga mamamayang Palestino ay patuloy na pamumunuan ng mga panatikong Islamistang berdugo. Buong kaalaman nila na ang Hamas ay hindi magdudulot ng kalayaang Palestino pero nananatili silang tahimik sa usaping ito sa ngalan ng liberal na pagkakaisang walang laman.
Ang buong estratehiya ng Hamas ay pukawin ang Israel sa isang matinding reaksyon, para na ring pinagsuot ng suicide vest ang buong Gaza. Kinakailangan ang walang-alinlangang paninindigan para ipagtanggol ang Gaza laban sa madugong paghihiganti ng Israel kasabay ang pagsalungat sa ganitong nakakapagpahamak na estratehiya.
Ang ilang mga makakaliwa tulad ng Left Voice, seksyong U.S. ng Trotskyist Fraction, ay bumubulong sa dulo ng kanilang artikulo na “kami ay nasa panig ng paglaban ng mga mamamayang Palestino, pero hindi nagmumungkahi na kami’y nakikibahagi sa estratehiya at pamamaraan ng Hamas, na ang layunin ay magtatag ng isang teokratikong estado” (7 Oktubre). Haya’t nasabi, wala silang sinusulat na naglalayong lansagin ang kapit ng nasyonalismo at Islamismo sa mapagpalayang pakikibakang Palestino. Sila, tulad ng karamihan sa mga kaliwa, ay gumaganap ng papel ng mga liberal na taga-alo, na hindi maaaring maging mapagpuna sa mga grupong inaapi kahit na sila ay inaakay patungo sa bangin.
Ang papel ng pseudo-sosyalistang kaliwa ay higit na kamuhi-muhi dahil sa desperado at patuloy na tumitinding pangangailangan ng mga Palestino ng isang mabisang bagtasan para sa pagpapalaya. Ang mga kaganapan ay mabilis na gumagalaw patungo sa isang antas ng patayan at reaksyon na hindi nasisilayan sa maraming dekada. Kung ang mga sosyalista ay hindi makikibaka para sa isang rebolusyonaryong tugon sa tunggalian, ang lumalalang desperasyon ng sambayanang Palestino ay muling ihahatid sa mga bisig ng Islamistang reaksyon habang ang mga Judeo ay lalong itutulak palalim sa yakap ng Zionismo. Ang karnabal ng reaksyon na ito ay hindi mananatili sa loob ng mga hangganan ng Israel at Palestine kundi lalaganap ng malayo at malawak sa Gitnang Silangan at sa daigdig. Isang kagyat na gawain ng mga sosyalista ang tapusin ang siklong ito.
Ipagtanggol ang Gaza!
Israel layas sa West Bank at Golan Heights!
Para sa isang sosyalistang pederasyon ng Gitnang Silangan!